Obrero dedo sa inaayos na nail gun
MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang 40-anyos na obrero nang aksidenteng tamaan ng steel nail gun sa dibdib ng kanyang kasamahan sa trabaho, nitong Biyernes ng hapon sa Tondo, Manila.
Ang bikitma ay kinilalang si alyas “Felicito” na tubong Bicol at residente ng Meycauayan, Bulacan.
Sa report ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1, dakong alas-12:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa construction sa loob ng dump site sa kahabaan ng Sitio Damayan sa Barangay 105, Tondo.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinubukan umano ng biktima na ayusin ang kanilang steel nail gun ngunit hindi niya ito maayos at iniabot niya ito sa kasamahan na si alyas “Eugene,” na 28-anyos at diumano’y kamag-anak ng biktima upang ayusin ito.
Subalit, habang inaayos ay biglang pumutok at lumabas ang bala ng nail gun kung saan aksidenteng tumama sa dibdib ng biktima.
Agad na isinugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng doctor, ala-1:05 ng hapon.
- Latest



















