Helper utas sa dagan ng backhoe
MANILA, Philippines — Isang truck helper ang nasawi matapos aksidenteng madaganan ng nahulog at bumaligtad na backhoe sa Brgy. Sapangdaku, Cebu City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Mark Vincent Latayad, nasa hustong gulang at residente ng Naga City, Cebu.
Sa ulat ng Cebu City Police, nangyari ang trahedya sa nasabing lugar noong Biyernes habang abala ang biktima at mga kasamahan nito sa pagtatrabaho.
Ayon sa imbestigasyon, ang biktima ay isa sa tatlong manggagawa sa Quirante Construction Corporation na pinagtutulungang isakay ang backhoe sa isang 10 wheeler truck na dadalhin sana ng mga ito sa Brgy. Pamutan ng lungsod.
Ang backhoe ay ikinadena pa ng mga manggagawa pero habang bumibiyahe ang truck na minamaneho ni Gilberto Flores, 45-anyos ay aksidenteng nalagot ang kadena bunsod upang tumagilid ang backhoe.
Dahil dito bumigay ang backhoe sa kabilang bahagi kung saan tumagilid din ang truck bunsod upang mahulog ang backhoe at dito’y nakaladkad ang biktima at nadaganan pa ng heavy equipment pagbagsak sa tabi ng kalsada.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck kaugnay ng kasong kriminal na kinakaharap nito.
- Latest
















