Leviste namahagi ng P1K sa 150K students
MANILA, Philippines — Mahigit 150,000 elementary at high school students sa unang distrito ng Batangas ang nakatanggap ng P1,000 educational assistance mula kay Congressman Leandro Legarda Leviste.
Idinaan ng bagong mambatatas ang tulong pang edukasyon mula sa kanyang pribadong Lingkod Legarda Leviste Foundation.
Ani Leviste na mula sa kanyang bulsa ang kabuuang P150 milyon na pinamahagi sa mga mag-aaral at walang ginastos ang gobyerno para sa programa.
Sinimulan ang pamamahagi ng cash aid noong Hulyo 11 sa mga paaralan sa Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy, at Balayan at isusunod na bibigyan ang mga estudyante sa Calaca, Lemery, at Taal.
Ang hakbang ay bahagi ng adbokasiya ni Leviste para sa National Student Allowance Program na nakasaad sa kanyang House Bill No. 27 na bigyan ng buwanang P1,000 allowance ang bawat estudyanteng Pilipino mula kindergarten hanggang kolehiyo, kapalit ng sapat na attendance.
Ayon sa kongresista, maraming mag-aaral sa Batangas ang kailangang maglakad ng malayo mula sa mga liblib na barangay para makapasok sa paaralan.
Si Leviste, 32, ay dating CEO ng Solar Philippines noong 2024, ipinagbili niya ang kanyang kumpanya sa Meralco sa halagang P34 bilyon.
- Latest















