2 lola natusta sa sunog sa Cavite

MANILA, Philippines — Dalawang lola ang natusta makaraang hindi na makalabas sa nasusunog nilang tahanan kamakalawa sa Brgy. Manggahan, Gen Trias City, Cavite.
Sunod na sunog nang madiskubre ang katawan ng dalawang matanda na kinilalang sina Arsenia Navat, 80-anyos, isang bedridden, at Leticia Tee, 76-anyos; kapwa residente ng Metro South, Brgy. Manggahan sa nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, alas-3:35 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa bahay mismo ng mga biktima habang mahimbing silang natutulog.
Hindi na nagawa pang makalabas ang dalawang lola dahil sa nahirapang bumangon at kapwa na-trap sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon kay SFO2 Willy Verdadero, ng Bureau of Fire Protection (BFP) na electrical outlet sa terrace ng bahay ng mga biktima nagsimula ang sunog kung saan bigla umano itong sumabog at nagtuluy-tuloy sa paglagablab ng apoy.
Tumagal ng may mahigit sa 2-oras bago ito tuluyang naapula.
- Latest

















