Mag-utol nasapol ng kidlat
MANILA, Philippines — Isang magkapatid ang tinamaan ng kidlat na kung saan ay nasawi ang isa sa kanila habang sugatan naman ang kapatid nito naganap sa Brgy. Dugpa, Pinukpuk, Kalinga.
Sa report ng Kalinga Police, kinilala ang nasawing biktima na si Zaldy Borja, 22. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang kanyang kuya na si Armando Borja, 24, magsasaka.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Huwebes ng hapon, alas-3:30 habang ang magkapatid ay abala sa paggagapas ng mga damo sa kanilang maisan nang biglang bumuhos ang malakas na ulan na sinabayan pa ng kulog at kidlat dulot ng thunderstorm.
Si Zaldy ay naglalakad kasunod ang kapatid nito matapos silang magdesisyong umuwi na muna sa kanilang tahanan dahilan sa matinding pagbuhos ng ulan pero minalas na kumidlat ng malakas at nasapul ang biktima.
Namatay noon din si Zaldy sanhi ng matinding pagkasunog ng kaniyang katawan habang ang kapatid naman nitong si Armando na nagtamo rin ng pagkasunog ng katawan ay nagawa pang makagapang ng may 50 metro at humingi ng tulong sa kanilang mga kamag-anak.
- Latest




















