Diamonds trader dinukot, 3 suspek timbog
MANILA, Philippines — Arestado ang tatlo sa limang suspek na dumukot sa isang negosyante at tumangay umano ng mga diamonds at cash nito sa hot pursuit operations ng Eastern Police District (EPD), sa San Juan City, iniulat kahapon.
Sa ulat, naganap ang insidente sa labas ng isang restaurant sa Greenhills, San Juan nitong Mayo 28, 2025.
Ang biktimang diamond trader ay sapilitang isinakay ng limang suspek sa Suzuki Vitara, sinaktan at tinakot na huwag nang babalik sa Pilipinas at kinuha ang mga personal na gamit at panindang synthetic diamonds na aabot sa halagang P1-milyon, at P130,000 cash bago pinakawalan.
Agad namang nagsuplong sa San Juan City Police Station at agad nagtatag ng ‘SIT SHINORA’ Special Investigation Team ang EPD na nag-backtrack ng CCTV at sa pagtatanong ay natunton sa barangay 807 sa San Andres Bukid, Manila ang isa sa suspek, na ikinanta ang 2 pang kasamahan, kaya’t agad ding nadakip.
Narekober ang isang ziplock na naglalaman ng diamonds, cash at personal na gamit. Natunton din ang ginamit na sasakyan sa Sta. Maria, Bulacan.
Samantala, sinabi naman ni San Juan City Police Station chief, P/Colonel Deodennis Marmol, sa ulat ng GMA News online, kumpetensya sa negosyo ang motibo dahil sa sobrang baba umano ng benta ng biktima sa mga paninda na nakakaapekto sa ibang negosyante sa Greenhills shopping complex.
- Latest


















