Single mom, hinoldap at ginahasa
Suspek, humirit ng meet-up, tiklo…
MANILA, Philippines — Isang 22-anyos na single mom ang hinoldap at saka ginahasa ng isang 40-anyos na lalaki sa magubat na bahagi ng Barangay Sira Lupa, Calamba City, Laguna, noong Miyerkules ng madaling araw.
Sa salaysay ng biktima na si alyas Joy, cashier ng isang supermarket na papasok siya sa kaniyang trabaho nang lapitan ng isang lalaking sakay ng motorsiklo at nagdeklara ng holdap.
Natangay sa biktima ang kaniyang cellphone, wallet at ATM card at saka umano siyang pilit isinakay ng suspek sa motorsiklo at dinala sa isang gubat matapos tutukan ng baril at dito siya hinalay at pagkatapos ay iniwan na siya ng suspek.
Samantala, ilang oras lang ang lumipas ay muling magparamdam kay Joy ang suspek sa pamamagitan ng isang chat message at sinabing gusto pa raw nitong makipagkita sa isang motel.
“Sabi n’ya makikipag-meet up daw po siya sa akin, magmo-motel daw po kami dahil hindi raw po siya satisfied sa ginawa n’ya. Kapag hindi raw ako pumunta papatayin daw po n’ya anak ko,” pagsasalaysay ng biktima.
Dito na nagpasya ang biktima na magsumbong sa pulisya na agad gumawa ng entraptment operation na kung saan ay pumayag ang una na magkita sila sa isang gasolinahan, alas-7:00 ng gabi.
Nang dumating ang suspek sa tagpuan at lapitan si Joy ay dito na sinunggaban ng nakatagong pulis at inaresto ang suspek na kinilalang si Nio Delos Reyes, 40, isang drug suspect.
Ayon sa Calamba City Police, nasa apat na babae na umano ang nagrereklamo hinggil sa isang lalaking nakamotorsiklo at nanghihipo na base sa description ay tumutugma sa suspek.
Nabawi sa suspek ang cellphone ni Joy at mga ATM at maging ang iba’t ibang ID at ATM cards ng ilang mga babaeng biniktima nito.
Nasa kustodiya ng Calamba City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong robbery with rape.
- Latest















