DOH: Kaso ng hand, foot, and mouth disease trumiple

MANILA, Philippines — Triple ang itinaas ng mga kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na umabot na sa kabuuang 7,598 kaso ng HFMD ang naitala nila sa bansa, mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025 lamang.
Ito ay halos tatlong beses anila na mas mataas kumpara sa 2,665 na kaso noong 2024.
Sa kabila naman nito, sinabi ng DOH na ang naturang mga kaso ay mas mababa pa rin kaysa sa naitala noong 2023 kung kailan, nakapagtala sila ng lampas 2,500 kaso sa isang linggo lamang simula Pebrero.
Ayon sa DOH, higit sa kalahati o 52% ng mga kaso ng HFMD ay naitala mula sa Central Luzon, MIMAROPA, Metro Manila, at Cordillera Autonomous Region (CAR).
Nasa 56% naman o 4,225 ng kabuuang kaso ay pawang mga batang 4-taong gulang pababa lamang ang edad habang nasa 2,069 kaso naman ay mga batang nasa edad 5 hanggang 9 na taong gulang.
Anang DOH, ang HFMD ay isang nakahahawang sakit na kumakalat sa pagtalsik ng laway na may virus. Maaari ring makuha ang virus kapag ang isang tao ay humawak sa kaniyang mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na nahawakan ang bagay na kontaminado ng virus.
Nagbabala naman ang DOH na maaaring magdulot ang sakit ng mas malubhang komplikasyon tulad ng meningitis at encephalitis o pamamaga ng utak.
- Latest















