3 ‘wanted’ utas, 2 pulis sugatan sa shootout!

MANILA, Philippines — Bulagta ang tatlong wanted persons sa kasong murder habang dalawa pulis ang nasugatan nang mauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa Tagum City, Davao del Norte kahapon.
Kinilala ang mga nasawing wanted na sina Rozendel Arselias Cañete, Norman Saquin at Renz Balmaceda.
Dalawa sa mga nasugatang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ay nakilalang sina P/Staff Sgt. Tapayan at P/Corporal Baliad; na nagtamo ng sugat sa braso at hita.
Sa report ng Tagum City Police, habang isinisilbi ng mga operatiba ang warrant of arrest laban sa tatlong nabanggit sa kasong 2 counts of murder, sa kanilang hideout sa Camella Trails Subdivision, Visayan Village ng naturang siyudad, nang salubungin nila ng putok ng baril ang mga pulis na nagbunsod ng barilan.
Tinangka ni Cañete at kasama nitong si Balmaceda na tumakas kung saan nakipagbarilan pa ang una sa mga operatiba na nagresulta sa shootout na siya nitong ikinamatay.
Si Saquin ay nagkulong naman sa kuwarto sa ikalawang palapag at pinaputukan ang mga operatiba pero siya ay bumulagta nang gantihan ng putok ng mga awtoridad. Nagawa pang maisugod si Saquin sa Davao Regional Medical Center pero idineklara itong dead-on-arrival.
Samantala, si Balmaceda ay nagtago sa sapa na nabaril matapos manlaban din sa mga operatiba.
- Latest




















