MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 138 bahay ang natupok habang humigit-kumulang 500 na pamilya ang apektado sa sunog sa residential area habang 2 ang nasugatan sa Barangay Manggahan, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Hindi na pinangalanan ang dalawang nasugatan na kapwa lalaki, na ang isa ay nagkaka-edad ng 18-anyos at nagtamo ng 2nd degree burn sa kanang punong braso at ang isa naman ay nasugatan sa kanyang daliri.
Batay sa ulat ng Pasig City Bureau of Fire Protection, dakong alas-6:30 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng isang tahanan sa Villacruses, Brgy. Manggahan, Pasig City, na pagma-may-ari umano ng isang Elsie Jacusalem.
Umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong alas-9:07 ng gabi at tuluyang naapula dakong alas-10:41 ng gabi at nasa P2 milyon halaga ng mga ari-arian ang natupok.
Nananatili sa dalawang evacuation center ang mga nasunugan na nakatanggap na ng mga sleeping kit, serbisyong medikal at pagkain. Inaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng apoy.