Bilang paghahanda sa panahon ng Kapaskuhan
MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang panahon ng Kapaskuhan sa kabila ng pagtugon sa kalamidad.
Inanunsyo na ni PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo na ipatutupad na nila ang No Day Off policy simula December 15 hanggang January 12 ng susunod na taon.
Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na bahagi ito ng pagpapaigting ng kanilang puwersa dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga Pilipino sa mga istratehikong lugar gaya ng mga paliparan, pantalan, simbahan, malls, pasyalan, at iba pa.
Sa panahon ding ito ani Fajardo, itataas ng PNP ang Heightened Alert status para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa panahong ito.
Batay sa datos ng PNP, bumaba ng mahigit 21% ang mga naitalang krimen sa bansa buhat nang magsimula ang BER-months ngayong taon mula sa mahigit 25% sa kaparehong panahon noong isang taon. -Doris Franche-Borja-