Lebel ng tubig sa ilang dam sa Luzon, aabot na sa Normal High Water
MANILA, Philippines — Dulot ng mga pag-ulang dala ng bagyong ‘Nika’ ay malapit nang umabot sa Normal High Water Level (NHWL) ang lebel ng tubig sa ilang mga dam sa Luzon.
Batay sa update kahapon mula sa Hydrology Division ng state weather bureau, nasa 278.07 meters na ang lebel ng tubig sa San Roque Dam habang ang NHWL nito ay 280 meters.
Sa Ipo Dam, umabot na sa 100.30 ang kasalukuyang lebel ng tubig nito habang ang NHWL nito ay 101.10 meters.
Maging ang Binga Dam sa Benguet ay naabot na rin ang 572.86 meters na lebel ng tubig. Ang NHWL ng naturang dam ay 575.00 meters.
Naabot na rin ng La Mesa Dam ang 79.67 meters na lebel ng tubig. Awtomatikong nago-overflow ang tubig ng naturang dam kung naabot na nito ang 80.15 meters dahil wala itong floodway gate, hindi tulad ng ibang malalaking dam.
Ang pinakamalalim na dam sa bansa na Ambuklao Dam ay naabot na rin ang 750.67 meters na lebel ng tubig. Ito ang tanging dam na nagpapakawala kahapon ng tubig na hanggang 109.67 cms.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), tuloy-tuloy na nakabantay ang mga dam management sa lagay ng bawat dam at agad nagbibigay ng abiso, anumang aksyon ang gagawin nito, tulad ng pagbubukas ng floodway gate.
- Latest