P3 milyong ayuda ni Kuya Will at Manila Teachers sa Bicol typhoon victims
MANILA, Philippines — Pagkahupa ng bagyong Kristine sa Bicol noong Sabado ay kaagad na nagtungo sa Naga City si TV host at ngayo’y senatorial candidate Willie Revillame kasama ang Manila Teachers Partylist para magpaabot ng tulong sa mga biktima ng bagyo doon. Personal na inabot ni Revillame ang P3 milyong tseke kay Angat Buhay Foundation Chairman at dating Vice President Leni Robredo sa kanyang tanggapan.
Ayon sa TV host, “kasagsagan ng bagyo sa Bicol nang magdesisyon kami ng Manila Teachers Partylist na mag-ambag kami para sa mga kababayan natin sa Bicolandia.”
“Taga-Naga City po ang aking ina kaya malapit po sa puso ko ang Bicol,” dagdag pa ni Revillame na mas kilala sa pangalang “Kuya Will”.
Nakilala si Kuya Will dahil sa pagtulong nito sa mga mahihirap sa kanyang TV show. Lubos naman ang pasasalamat ni dating VP Leni sa TV host at sa Manila Teachers Partylist sa kanilang donasyon.
“From the bottom of our hearts, we thank all those who answered our call for help. Maraming maraming salamat po,” ani Mrs. Robredo.
Nangako naman si Revillame na tutulong sa lahat ng mga biktima ng kakamidad saan man sa Pilipinas.
- Latest