7 suspek sa pagpatay sa mag-asawang online seller, arestado
MANILA, Philippines — Nadakip na ng pulisya ang pitong suspek kabilang ang mastermind at gunman sa pagpatay sa mag-asawang online seller noong Oktubre 4, 2024 sa Barangay Sto. Rosario, Mexico, Pampanga.
Iniharap kahapon sa media ni Police Regional Office 3 director, PBGen. Redrico A. Maranan, sa PRO3 Patrol Hall, Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga sina Arnold Taylan, Arnel Buan, Robert Dimaliwat, Rolando Cruz, Jomie Rabandaban, Sancho Nieto at Anthony Limon.
Lumilitaw na nagsagawa ng follow-up police operations ang mga tauhan ng Mexico Municipal Police Station, Pampanga Provincial Intelligence Unit (PIU), Regional Mobile Force Battalion (RMFB), at ang 1st and 2nd Provincial Mobile Force Companies (PMFC) nitong Oktubre 13 at 14.
Ayon kay Maranan unang naaresto ng kanyang mga tauhan ang gunman na si Taylan at ang lookout na si Buan na naaresto sa Nueva Ecija nitong Lunes, Oktubre 14, 2024.
Ang pagkaaresto nina Taylan at Buan ay nagresulta sa pagkadakip kina Dimaliwat, Cruz, Rabandaban, Nieto at Limon na itinuturong mastermind sa pagpatay sa mga biktima.
Sinabi ni Maranan na online seller din si Limon at may utang na P13 milyon sa mag-asawa na siyang tinitingnan ng mga imbestigador na motibo sa nasabing pagpatay.
Nabatid na sa nasabing police operation, nakumpiska ng pulisya mula sa mga suspek ang siyam na baril kabilang ang tatlong 9mm caliber pistol, limang 45 caliber pistol, isang 22 caliber rifle at isang airgun.
Dagdag ni Maranan, titiyakin nilang mabibigyan ang hustisya ang mga biktima ng krimen.
- Latest