15K miyembro ng creative industry inayudahan sa Bagong Pilipinas Fair
MANILA, Philippines — Nasa P75 milyong cash assistance at iba pang serbisyo ng gobyerno ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ang naihatid sa mahigit 15,000 miyembro ng creative industry.
“Ang BPSF ay isa sa mga programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na may layuning matulungan ang bawat sektor ng ating lipunan, kabilang ang mga nasa creative industry. Ipinapakita nito na hindi natin nakakalimutan ng pamahalaan ang ating mga manggagawa sa larangan ng sining at media,” sabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang dalawang araw na event na may titulong “Paglinang sa Industriya ng Paglikha” ay sinimulan sa pamamagitan ng isang programa sa PhilSports Arena (ULTRA) sa Pasig City noong Sabado.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada Jr. ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-P5,000 sa ilalim ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap din ng tig-limang kilong bigas.
Sinabi ni Gabonada na ang financial assistance program ay bahagi ng programa ng gobyerno upang matulungan ang mga propesyunal sa iba’t ibang sektor.
Bukod sa cash assistance, kasama sa tulong na ibinigay ng mga ahensya ng gobyerno ay mga skills training program, industry-specific workshops, at mga aplikasyon para sa permit at lisensya.
- Latest