Cassandra Ong, may ‘mental breakdown’
Ayaw nang humarap sa Kamara, Senado
MANILA, Philippines — Dahil sa inaabot na trauma, dumaranas na umano ng “mental breakdown” si Cassandra Li Ong na inirereklamo sa money laundering, at mas nanaisin na umano niyang makulong kaysa humarap pa sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara de Representantes at Senado kaugnay ng pagsisiyasat sa operasyon ng illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs ) sa bansa.
Noong nakalipas na Miyerkules ay sumalang sa pagsisiyasat ng Quad Comm ng Kamara si Ong kung saan kinuwestiyon ng mga mambabatas hinggil sa kaniyang ugnayan sa ni-raid na POGOs sa Pampanga na noong una ay pilit nitong itinatanggi ang kaniyang papel sa nasabing illegal na operasyon.
Nasopla naman si Ong matapos na mapaamin siya sa mainit na pagtatanong ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante, na lisensiya ng POGOs ang kaniyang binayaran sa dues na nagkakahalaga ng $500 milyon sa PAGCOR.
Nang humingi ng permiso si Ong para magtungo sa comfort room ay hindi na siya lumabas at nagpapadala na sa hospital matapos na umano’y sumama ang kaniyang pakiramdam. Nang tingnan ng doktor sa Kamara ay kinumpirma nito na bumaba ang blood sugar at blood pressure ni Ong bunsod upang ihatid siya ng ambulansya sa ospital. Nabatid na karaniwan itong dinaranas ng mga taong sobra ang niyerbiyos.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Ong na hindi na umano nais ng kaniyang kliyente na mapahiya sa publiko kaya mas nanaisin na lamang nitong makulong kaysa muli pang humarap sa pagdinig.
Sa media forum sa Kamuning Bakery Café sa Quezon City, umapela si Ong sa pamamagitan ni Topacio na ma-excuse sa pagdinig ng Senado sa Lunes (Setyembre 9).
Kabilang si Ong sa 34 kataong inireklamo ng money laundering kasama ang na-dismiss na si Bamban Mayor Alice Guo. Itinanggi ni Ong na “dummy” siya ng Lucky South 99 sa kabila na isa siya sa mga lumagda sa mga dokumentong napasakamay ng mga mambabatas.
- Latest