Barko sumabog: Apprentice, patay; 2 sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang apprentice habang sugatan naman ang dalawang iba pa sa naganap na pagsabog sa loob ng isang barko sa Tondo, Manila kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Timothy James Lumagui habang ang mga sugatan naman ay sina Lowie Belen at Alfred de Leon, na kapwa nagtamo ng 3rd degree burns.
Batay sa ulat ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District (MPD), alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng 2nd Deck Boson Store Paint Room ng Bow Thruster Engine ng MV Everwin Star-II, na nakadaong sa Vitas Pier 18, Mel Lopez Blvd., sa Tondo, ngunit dakong alas-11:20 na ng gabi nang maireport ito sa kanilang tanggapan.
Nauna rito, nakarinig na lamang umano ng isang malakas na pagsabog sa loob ng Vitas Pier 18, kaya’t mabilis na rumesponde ang mga duty security ng Philippine Port Authority (PPA) at nakitang mayroon nang nagaganap na sunog sa barko.
Kaagad na inapula ang sunog ngunit nang magsagawa ng ocular inspection ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), nadiskubre ang bangkay ng biktima.
Anang BFP, nagmula ang pagsabog sa engine cabin ng barko. Inaalam pa kung ang pagsabog ay dulot ng fumes o pagsingaw ng langis o pintura o di kaya ay LPG.
- Latest