98% paaralan balik-eskwela na
MANILA, Philippines — Nasa 98% ng mga paaralan sa bansa ang matagumpay na nakapagbukas ng klase para sa School Year 2024-2025 kahapon at ang 2% na paaralan ang bigong magbalik-eskwela bunsod na rin ng pinsalang idinulot ng bagyong Carina at Habagat sa kanilang lugar.
Ito ang iniulat ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na kung saan aabot sa mahigit 20.5 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nakapagtala na mas mababa kumpara sa target na makapagtala ng hanggang 27.7 milyong mag-aaral.
Sa inilabas na datos ng DepEd, hanggang 9:30PM ng Hulyo 28, nasa 842 paaralan sa buong bansa ang nagpasyang ipagpaliban ang class opening nila, na nakaapekto sa may 803,824 mag-aaral.
Karamihan sa mga naturang paaralan ay nasa Region 3 na may 452; kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 225; Region 1 na may 95; Region 4A na may 66 at Region 12 na may apat.
Nilinaw naman ni Angara na ang mga nagsuspinde ng klase ay kinakailangang magdaos ng Saturday classes upang mabawi ang mga araw ng pasok na nawala sa kanila.
Tiniyak naman ni Angara na maaari pang magpatala ang mga estudyanteng hindi pa rin nakapagpa-enroll.
- Latest