Resbak ng kalabang grupo 16-anyos dalagita todas sa gang war!
MANILA, Philippines — Isang 16-anyos na dalagita ang patay habang malubhang nasugatan ang dalawa pang kasama nito matapos silang pagbabarilin ng limang kabataan na sakay ng mga motorsiklo dahil sa “gang war” kahapon ng madaling araw sa Cebu.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang itinago sa pangalang si Alyssa, na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa katawan habang nasa kritikal na kondisyon sina John Lloyd, 18, nagtamo ng mga tama ng bala sa kaliwang dibdib at kaliwang hita, at Nico, 17, na tinamaan ng bala sa likuran ng kanyang katawan.
Sa ulat ng Liloan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-3 ng madaling araw sa harapan ng isang convenience store sa Barangay Yati, Liloan, Cebu.
Nakatambay sa harap ng convenience store ang ilang mga kabataan kabilang ang mga biktima nang biglang dumating ang mga suspek.
Sa kuha ng CCTV camera ng convenience store, limang magkakasunod na motorsiklo ang dumaan kung saan isa sa mga suspek na nakasuot ng full-faced helmet ang bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga kabataan.
Isa sa tinitignang motibo ng krimen ay ang “gang war” ng mga kabataan. Posible umanong resbak ang nangyari kaya nangangalap na sila ng ebidensiya.
- Latest