Mister na nawawala, natagpuang patay

MANILA, Philippines — Isang 33-anyos na mister na unang napaulat na nawawala ang natagpuang patay at nakasilid sa sako sa isang basurahan sa Brgy. Sta. Cruz, San Fernando, Camarines Sur kama­kalawa.

Namamaga na ang katawan ng biktima na kinilalang si Lorenzo Valladolid Daria, may-asawa at residente ng natu­rang barangay nang ito ay matagpuan.

Sa ulat, alas-7:20 ng umaga ilang residente ang nakakita sa nakabungkos na malaking sako sa dumpsite ng barangay at nang tingnan laking gulat nila dahil sa nakasilid na duguan at pasa-pasang bangkay ng biktima.

Agad naman itong nakilala ng mga kaanak na sinabing ilang araw na itong nawawala.

Sa imbestigasyon lumalabas na nakipag-inuman umano ang biktima sa ilang kaibigan at sa hindi malamang dahilan ay pinagtulungang bugbugin ito na kanyang ikinasawi.

Isa sa kainuman ang sumuko na at umamin sa pagkakapaslang sa biktima.

Show comments