86-anyos na ina, patay sa sunog sa Maynila

Binobomba ng tubig ng mga bumbero ang isang nasusunog na residential hotel kahapon ng umaga na matatagpuan sa Alhambra St., Ermita, Maynila na ikinasawi ng may-ari.
Edd Gumban

Charger pumutok

MANILA, Philippines — Isang 86-anyos na ina ang nasawi habang sugatan ang anak nito matapos matupok ng apoy ang bahay at ang pag-aari nilang hotel sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawing biktima na si Chiu Deng Kangbakale.isang bedridden habang sugatan naman ang anak nitong si Peter Kho Kangbakale, 49 at dalawang bumbero.

Ayon kay Joseph Nagbutay, Kagawad ng Barangay 667, sinasabing nagsimula sa pumutok na charger ng cellphone ang apoy pero wala pa itong kompirmasyon mula sa BFP at patuloy ang imbestigasyon patungkol sa nangyaring sunog.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Ermita Police Station 5 (PS5), alas-9:30 ng umaga nang magsimula umano ang sunog sa isang dalawang palapag na residential-commercial building na matatagpuan sa likod ng isang hotel na pagma-may-ari ng pamilya ng biktima sa pagitan ng Alhambra St., at Guerrero St.

Kasalukuyan umanong nasa loob ng banyo si Peter nang paglabas niya ay malaki na ang apoy sa kabahayan kaya’t hindi na niya nagawa pang iligtas ang kanyang ina.

Nawalan din umano ng malay si Peter matapos makalanghap ng usok ngunit naisalba ng mga otoridad at nasa maayos nang kalagayan sa ngayon.

Dakong alas-10:38 ng umaga naman nang maidek­larang under control ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog at tuluyang naidek­larang fire out dakong alas-11:07 ng umaga.

Show comments