10 Chinese Nationals timbog sa kidnapping
7 Pinoy nasagip…
MANILA, Philippines — Sampung Chinese nationals na umano’y nangidnap ng pitong Pinoy ang naaresto sa Parañaque City noong Huwebes.
Pitong lalaki at tatlong babaeng Chinese ang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng National Capital Region field unit sa ginawang pagsalakay sa bahay sa Multinational Village, Barangay Moonwalk, pasado alas-4:50 ng madaling araw.
Ayon kay Col. Jean Fajardo, chief information officer ng Philippine National Police (PNP), na ang rescue operation ay isinagawa base sa impormasyon mula sa isang kasambahay ng biktima na sila ay ayaw pakawalan ng mga suspek sa loob ng tatlong araw.
“Gusto na nilang umalis subalit sila ay pinipigilan,” wika ni Fajardo.
Agad na sinalakay ng mga operatiba ng CIDG at security guards ang nasabing bahay at naaresto ang mga suspek at pitong Filipino ang nasagip sa rescue operation.
Sinabi pa ni Fajardo na ang mga biktima ay puwersahang pinagtatrabaho ng mga suspek sa scamming activities tulad ng love scam at cryptocurrency fraud.
Nasamsam ng mga otoridad ang dalawang baril, iba’t ibang klase ng bala, 17 cell phones, 5 computer desktops, 3 laptops, passports at identification cards.
Ang mga suspek ay kakasuhan ng kidnapping, serious illegal detention, qualified trafficking in persons, illegal gambling, illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Republic Act 8484, o Access Devices Regulation Act.
Dinala ang mga suspek at biktima sa Camp Crame para sa documentation.
- Latest