Torso ng lalaking natagpuan sa CALAX, kilala na
MANILA, Philippines — Bagama’t walang ulo at iba pang parte ng katawan, natukoy na taga-Quezon City ang natagpuang torso sa bahagi ng daluyan ng tubig sa Cavite-Laguna Expressway sa Silang, Cavite.
Nabatid na kinilala na ng kanyang mga kamag- anak ang 23-anyos na biktima dahil sa tattoo nito sa dibdib.
Dalawang linggo nang pinaghahanap ng kanyang pamilya ang biktima hanggang sa mabalitaan na lamang nila na itinapon ito sa CALAX.
Batay naman sa report na tinanggap ni Silang Police Chief Police Lieutenant Louie Gonzaga, may tatlong saksak sa katawan ang biktima.
Malinis din ang paghiwa sa bahagi ng katawan nito kung saan pinaghahanap pa ang ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa pulisya, lumilitaw na dating nasangkot tungkol sa kaso ng ilegal na droga ang biktima.
“Ang recollection ng live in partner, March 3 sila last nagkita. Nung hapon, at around 12 pm, nagpunta sa bahay ng isang kakilala. Inihatid itong si victim ng kakilala niya doon sa kalapit na lugar. According to the family, sinamahan siya ng tatlong tao,” ani Gonzaga.
Nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage ang pulis sa ilang lugar para hanapin ang iba pang parte ng katawan ng biktima.
Tutulong na rin sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil dati na ring may nakitang putol na bahagi ng katawan sa Carmona, Cavite na isa namang Chinese national nito lang nakaraang buwan at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), dahil ayon sa magulang ng biktima, may anggulo na nagtrabaho ang biktima sa mga POGO hubs dito sa Metro Manila.
- Latest