LRT-1 Cavite Extension Phase 1, 97% complete na
MANILA, Philippines — Sa huling bahagi ng taong 2024 ay target ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na mabuksan na sa publiko ang Phase 1 ng Cavite Extension ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Ayon sa LRMC, na siyang private operator ng LRT-1, nasa 97 porsiyento nang kumpleto ang konstruksiyon nito.
Ipinaliwanag ng LRMC na ang LRT-1 Cavite Extension Phase 1 ay magpapalawak sa kasalukuyang linya ng LRT line ng 6.2 kilometro na magkokonekta sa Baclaran Station sa Pasay City at sa Dr. Santos Station sa Parañaque City.
Sa sandali umanong maging fully operational, kayang magsakay ng hanggang 600,000 pasahero kada araw.
Kabilang sa mga bagong istasyon ng Cavite extension Phase 1 na malapit nang makumpleto ay ang Redemptorist Station (93.3% nang kumpleto); MIA Station (93.5%); Asia World Station (83%); Ninoy Aquino Station (88%) at Dr. Santos Station (94.1%) na may habang 11.7 kilometro at tatakbo mula Baclaran hanggang sa Niog sa Bacoor, Cavite.
Upang matiyak na maayos ang takbo ng lahat, sisimulan na rin umano ng LRMC ang mga test runs ng iba’t ibang tren ng LRT-1 sa extension line.
Sa tulong umano nito, ang travel time mula sa Maynila hanggang Cavite ay magiging 25 minuto na lamang, mula sa dating isang oras at 10-minuto.
- Latest