P5 milyong ismagel na mga gulay, prutas nadiskubre sa mga bodega sa Maynila
MANILA, Philippines — Nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P5 milyong halaga ng mga hinihinalang ismagel na agricultural products sa tatlong warehouse sa Maynila.
Sinabi kahapon ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na nagpatupad ng letter of authority (LOAs) sa tatlong warehouse sa San Nicolas at Binondo sa Maynila nitong Martes, ang kanilang mga tauhan mula sa Customs Intelligence and Investigation Service sa Manila International Container Port (CIIS-MICP) at National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD). Nagresulta ito sa pagkakadiskubre ng daan-daang karton ng mga gulay at prutas.
Ani BOC-CIIS director Verne Enciso, natagpuan ng kanilang composite team ang mga imported broccoli na nagkakahalaga ng P2 milyon sa warehouse sa San Nicolas.
Nasamsam din ng mga opisyal ang bagong angkat na mga gulay at prutas na nagkakahalaga ng P2 milyon, kabilang ang bell pepper, garlic sprout, volcanic sweet potato, cauliflower, lotus root, corn, spinach, romaine lettuce, mushroom, oranges, strawberry, grapes, pear, melon, kiwi, apple, longgan, at cherry tomato, sa warehouse ng WSH Trading sa Sto. Cristo St. sa Binondo.
Nakuhanan naman ng cauliflower, yam, water bamboo, lotus root, spinach, kamatis, repolyo, crown daisy at mansanas na nagkakahalaga ng P1 milyon ang isa pang warehouse sa Elcano St. sa Binondo.
Magsasagawa ng inventory ng mga produkto ang Customs examiners.
Bibigyan din ng 15 araw ang mga may-ari ng mga warehouse para ipakita ang dokumento na magpapatunay na hindi ismagel ang kanilang mga inimbak na produkto.
Kung mapatutunayang walang kaukulang dokumento, kukumpiskahin ang mga ito dahil sa paglabag sa Section 1400 (misdeclaration in goods declaration) in relation to Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) of Republic Act 10863 o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
- Latest