Pagpapatupad ng pansamantalang bawas sa import duty rates, pinalawig
MANILA, Philippines — Pinalawig hanggang December 31, 2024, ang implementasyon ng pansamantalang bawas sa import duty rates ng ilang import products.
Ito ay matapos maglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order (EO) No. 50, na nagpapanatili ng temporary modification sa mga rate ng import duty sa mga produktong bigas, mais at karne.
Nilalayon ng kautusan na matiyak ang abot-kayang presyo ng mga bilihin sa gitna ng nagbabantang epekto ng El Niño phenomenon at African swine fever.
Sa pagpapalabas ng EO, binanggit ni Pangulong Marcos ang negatibong epekto ng El Niño sa presyo at produksyon ng bigas at mais, gayundin ang patuloy na paglaganap ng African swine fever at ang paghihigpit sa kalakalan sa ilang exporting countries na makakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang 6 na pahinang EO noong Disyembre 22.
Inihayag ni Pangulong Marcos na ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas ay ginagarantiyahan ang pagpapalawig ng aplikasyon ng pinababang tariff rates sa bigas, mais at karne ng mga produktong baboy upang mapanatili ang abot-kayang presyo sa merkado.
Sa ilalim ng Seksyon 1608 ng Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act, ang pangulo ay binigyan ng kapangyarihan na taasan, bawasan o tanggalin ang mga kasalukuyang rate ng import duty sa interes ng pangkalahatang kapakanan at pambansang seguridad at sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Inendorso ng NEDA Board ang pansamantalang pagpapalawig ng pinababang most favored nation (MFN) rates noong Disyembre 14, 2023, sa ilalim ng EO No. 10 sa bigas, mais at karne ng baboy (sariwa, pinalamig o frozen) hanggang Disyembre 31, 2024.
- Latest