Malawakang tigil-pasada, tuloy bukas! – Manibela
MANILA, Philippines — Inihayag ng transport group na Manibela na tuloy na tuloy na bukas (Oktubre 16) ang kanilang malawakang tigil-pasada ng may mahigit 200,000 nilang miyembro at opisyal.
Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, bukod sa kanilang mga miyembro sa Metro Manila ay sabay ring magtitigil pasada ang kanilang mga kasapi mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Aniya, mga pampasaherong jeep, bus at AUVs na kanilang miyembro ang magsasagawa ng malawakang tigil-pasada.
Sa Metro Manila, lulusubin ng kanilang hanay ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City, Department of Transportation (DOTr) sa Mandaluyong at maging sa Malacañang upang ipahayag ang kanilang reklamo kung bakit binigyan sila ng notice ng LTFRB na hanggang Disyembre 2023 na lamang sila maaaring mag-operate o pumasada.
Sa pagkilos ay mariin din nilang kokondenahin ang korapsyon sa LTFRB at mga opisyales na nakikinabang dito.
Ang transport group na Manibela ang tanging samahan ng transportasyon na nagsasagawa ng transport holiday sa bansa upang tutulan ang anila’y hindi makatuwirang pamamalakad sa mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa transportasyon.
- Latest