Pagsiyasat sa 500 container vans mula China, ibinasura

MANILA, Philippines — Mistulang ibinasura ng Manila International Container Port (MICP) ang memo na ipinadala ng MICP-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) para sa agarang pagsasagawa ng pagsisiyasat sa daan-daang container vans na nagmula sa bansang China.
Ang memo ay ginawa ni MICP-CIIS Chief Alvin Enciso na ipinadala kay MICP District Collector Romeo Allan R. Rosales para isagawa ang inspeksiyon sa mga kuwestiyonableng container van na napakarami ng consignee, subalit iisa lamang ang broker na nagngangalang Noel Taruc Urbano.
Ang ipinasisiyasat na ibinatay sa intel report ay nasa 500 container vans ang umano’y pasok sa technical smuggling kaya’t hiniling ni Enciso sa MICP Collector para busisiin kung ano ang laman ng mga container van, subalit sa halip na sundin ang memo ay ikinagalit pa umano ito ni Rosales at pinunit at ibinasura umano ang nasabing memo.
Kaya’t naghinala ang mga bumubuo ng MICP-CIIS nang may mga prominenteng indibidwal ang pumapadrino para sa agarang pagpapalabas sa mga container van, gayong may natanggap na intel report ang tanggapan ni Enciso na hindi grocery items ang laman ng mga van kundi mga agricultural products kasama na ang asukal.
Ang mga container van na ipinasisiyasat sa presensiya ng MICP-CIIS ay ang mga naka-consign sa mga pangalang AP FOOD Products, JLDC Consumer Goods Trading, IRRV Specialized Goods Trading, KRMN Specialized Goods Trading, AP Hardware Materials Wholesaling, JLDCS Consumer Goods Trading, at SRA Aggregated Trading na ang nakadeklarang laman ng kanilang mga container van ay grocery items, exercise mat and others, kitchen furniture, steel strip in coil, solar led lights, porcelain tiles at folding chairs.
- Latest















