5 katao tinamaan ng kidlat, 2 patay
MANILA, Philippines — Limang katao ang tinamaan ng kidlat na kung saan dalawa sa kanila na pawang estudyante ang nasawi, naganap kamakalawa habang kasagsagan ng ulan sa Gen. Trias City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Xian Agripa Parangan, 10, estudyante, ng Brgy. Pasong Camachile 2; at Edison Hachero, 16, residente ng Brgy. Santiago, pawang sa Gen. Trias City.
Ang tatlong nasugatan na inoobserbahan sa pagamutan ay kinilalang sina John Carlo Mira, 9; Vince Angelo Angcaya, 10, kapwa ng Brgy Pasong Camachile 2; at Jovic Gubat, nasa hustong gulang, ng Brgy. Santiago.
Sa ulat unang insidente ay naganap, alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Santiago kung saan kasagsagan ng ulan ay nakatayo sina Hachero at Gubat sa gilid ng kalsada at naghihintay ng pagtila ng ulan nang biglang kumidlat at diretsong tumama sa dalawa.
Kapwa bumulagta ang dalawa at isinugod sa Gen. Trias Medicare Hospital, subalit idineklarang dead on arrival si Hachero habang si Gubat ay kasalukuyang inoobserbahan.
Kasunod nito, alas-7:30 ng gabi naman sa Brgy. Pasong Camachile 2 ay nagpapalipad ng saranggola sina Parangan, Mira at Angcaya sa open field ng lugar nang bigla umanong bumuhos ang malakas na ulan kaya sumilong ang mga ito sa malaking puno.
Nang nasa ilalim na ng puno ang mga biktima, ay biglang kumulog kasunod ay ang pagkidlat na tumama sa mga biktima. Agad namang naitakbo sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival si Parangan.
- Latest