P150 milyong ismagel na agricultural products nadiskubre ng BOC
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P150 milyong halaga ng agricultural products na kinabibilangan ng mga frozen meat at sariwang prutas mula sa China, ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa serye nang pag-iinspeksiyon na isinagawa nila sa anim na bodega sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, kamakailan.
Ang operasyon na isinagawa noong Abril 12 ay pinangunahan ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), Enforcement and Security Service-MICP (ESS-MICP), ESS-Quick Reaction Team (ESS-QRT), na nagtungo sa anim na cold storage facilities, matapos na mag-isyu ng Letters of Authority (LOAs) si Customs Commissioner Bien Rubio.
Matapos na kilalanin ng mga kinatawan ng mga bodega ang LOA, kaagad na sinuri ng grupo ang mga warehouse na nagresulta sa pagkadiskubre ng mga imported agricultural products, kabilang ang frozen beef, pork, chicken, round scad, squid, at fish products, gayundin ng mga fresh fruits, kabilang ang mga mansanas, oranges, mga ubas at mga kiwi, na tinatayang nagkakahalaga ng P150 milyon.
Sinabi ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na nakatanggap sila ng derogatory information at kaagad itong inaksiyunan.
Pinasalamatan din niya ang komisyuner dahil sa mabilis na pag-iisyu ng LOA na kinakailangan sa pag-iinspeksiyon sa mga pasilidad.
Ibinahagi rin ni Uy na plano niya at ni Rubio na personal na bisitahin ang mga naturang pasilidad, kung saan nadiskubre ang mga hinihinalang mga puslit na produkto, na pawang matatagpuan sa mga lungsod ng Caloocan, Maynila at Navotas.
Nakatakda na ring magsagawa ng imbentaryo sa mga nadiskubreng goods ang nakatalagang Customs examiner at sasaksihan naman ito ng mga ahente mula sa CIIS at ESS-QRT.
Nakatakdang magsagawa ng imbentaryo ang BOC sa mga produkto. Dito hahanapan ang mga may-ari ng mga produkto ng importation documents at proof of payments.
Kung hindi umano makapagpapakita, ikakasa ng BOC ang pagkumpiska sa mga produkto sa ilalim ng Section 1113 ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
Sa ngayon, pansamantalang ikinandado muna ng BOC ang naturang mga bodega at ang storage facility.
- Latest