Obrero, nag-bomb joke sa MRT-3, arestado
MANILA, Philippines — Kulungan ang binagsakan ng isang trabahador matapos arestuhin nang magbiro na may bomba sa loob ng bag ng kanyang kasamahan habang papasakay sila sa isang istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT) sa Mandaluyong City kamakalawa.
Sising-sisi naman sa kanyang nagawa ang hindi na pinangalanang 25-anyos na lalaki, residente ng Quezon City, na nakapiit sa Mandaluyong City Police dahil sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law.
Sa ulat ng pulisya, papasakay sa Shaw Boulevard Station ng MRT-3 ang suspek at mga kasamahan nito kamakalawa ng hapon upang umuwi na matapos ang maghapong pagtatrabaho nang maisipan umano nitong magbiro at sabihing natatagalan ang paghalughog sa bag ng kanyang kasamahan dahil may laman itong bomba.
Narinig naman ito ng guwardiya ng MRT-3, sanhi upang kaagad siyang arestuhin at dalhin sa presinto.
May katapat aniya itong parusa na pagkakakulong ng hanggang limang taon at multa na hindi hihigit sa P40,000.
- Latest