‘Crop Insurance bill’, ipinasa na ng Kamara
MANILA, Philippines — Nitong Linggo ay ipinasa ng Kamara ang panukalang batas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong palawakin ang mga serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa lahat ng sektor ng agrikultura at ang pakikilahok sa naturang programa ng pribadong sektor.
Layunin ng mga panukalang pinagsama-sama sa Consolidated House Bill 7387 na inaprubahang amyendahan ang ‘Sections 1 at 3.11’ ng Presidential Decree 1467 na lumikha sa PCIC.
Ayon kay Salceda, palalawakin ng HB 7387 ang mga serbisyo sa siguro ng PCIC sa lahat sektor ng agrikultura at bibigyan din nito ng kapangyarihan ang ahensiya na magbigay ng ‘agricultural reinsurance services’ sa mga pribadong kompanya, kasama ang mga pangsakahang kooperatiba at samahan ng mga magsasaka na sumali sa programang ‘agricultural insurance.’
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang pagpapalawak sa ‘crop insurance system’ ay mabisang paraan upang protektahan ang mga magsasaka sa banta ng pagkaluging dulot ng mga peste sa mga hayop gaya ng “African Swine Fever” at pananim tulad ng “rice ‘Tungro’ virus (RTV),” na patutloy na magiging lalong mabagsik dahil sa ‘climate change’ o pagbabago ng panahon.
- Latest