39 hate crime sa Pinoy abroad, naitala
MANILA, Philippines — Sinabi kahapon ng opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umabot na sa 39 insidente ng hate crime na tumatarget sa mga Pilipino ang naiulat sa Estados Unidos.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Migrant Workers’ Affairs Paul Raymund Cortes sa isang pulong balitaan na ang mga otoridad ng Pilipinas ay “napakaingat” sa pagtukoy ng mga hate crime mula sa mga regular na pag-atake.
Ayon kay Cortes sa pakikipagpulong nila sa Philippine General Consultate sa New York, lumalabas na mayroong 38-39 documented cases doon.
Hindi naman binanggit ni Cortes ang sakop ng panahon kung kailan nangyari ang mga insidenteng ito, subalit kamakailan lamang ay naiulat ang mga pag-atake sa mga Pilipino sa US, kabilang sa mga ito ang 67-anyos na Pinay na tinamaan ng mahigit 100 beses na suntok sa New York.
Paliwanag pa ng opisyal na maituturing lamang na hate crime ang isang insidente kapag binanggit ng suspek ang bansa o lahi ng biktima sa komprontasyon.
Sinabi rin niya na ang mga otoridad ng Pilipinas ay nagsasagawa ng mga webinar tungkol sa pagtatanggol sa sarili para sa mga Pilipino upang turuan silang protektahan ang kanilang sarili mula sa pag-atake at upang itaas ang kamalayan sa usapin sa mga komunidad ng Asian-American.
Nagbibigay din ang Philippine Consulate General Consulate sa New York ng pepper sprays sa mga Filipino na magagamit nila kung sakaling atakihin. Pinayuhan din ang mga Pinoy na ireport agad sa konsulado o magtungo sa local authorities kung nakakaranas ng hate crimes.
- Latest