Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX bago mag-Bagong Taon, inaasahan
MANILA, Philippines — Ngayong magba-Bagong Taon ay inaasahan na ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang dagsaan ng mga pasahero na magsisiuwian sa kani-kanilang mga lalawigan.
Ayon kay Jason Salvador, ang head ng communication affairs department ng PITX, ang regular na bilang ng mga pasahero sa terminal ay nag-a-average ng 65,000 hanggang 70,000 ngunit dumami ito ng hanggang 90,000 simula noong Disyembre 19 o ilang araw bago mag-Pasko.
Noon naman aniyang Disyembre 23 ay umabot ng hanggang 125,000 ang volume ng mga pasahero sa PITX, na pinakamataas na bilang ng pasahero na naitala ng terminal sa panahon ng pandemya.
Nito namang Disyembre 26, nakapagtala ang PITX ng 92,000 pasahero.
Ayon kay Salvador, inaasahan nilang daraming muli ang mga pasahero sa terminal bago mag-Bagong Taon.
Nabatid na ang mga bus na may pinakamaraming pasahero ay yaong patungo at pabalik mula sa Cavite, Bicol at Batangas.
- Latest