Karnaper nanlaban sa pulis, patay
MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaking suspek na isa umano sa dalawang tumangay ng isang motorsiklo makaraang makipagbarilan sa rumespondeng pulisya sa Barangay Mahipo, Gapan City, kamakalawa ng madaling-araw.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng napatay na lalaki na isa umano’y tumangay sa motorsiklong Yamaha Mio ng biktimang si Bryan Jonas Matias, 22, binata ng Barangay San Nicolas.
Sa ulat, alas-3:50 ng madaling-araw ng Miyerkules nang tutukan umano ng baril ang biktima ng dalawang hindi nakilalang suspek sa Barangay San Lorenzo at puwersahang tinangay ang kulay asul na motorsiklo nito.
Agad namang inireport ng biktima sa pulisya ang pangyayari at ilang saglit lang ay natiyempuhan ng pulisya sa Barangay Mahipon ang nasabing motorsiklo ng biktima na sinasakyan ng isang lalaki.
Nabatid na pahihintuin at tatanungin lang sana ng pulisya ang sakay ng motorsiklo nang bigla umano itong magpaputok sa otoridad.
Dahil dito, gumanti ng putok ang pulisya at napatay sa engkuwentro ang nasabing lalaki.
- Latest