Convicted rapist-killer ex-mayor Sanchez, natagpuang patay
Sa loob ng kanyang selda sa Bilibid
MANILA, Philippines — Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad matapos na matagpuang patay sa kanyang selda sa New Bilibid Prisons (NBP) ang convicted rapist-killer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gabriel Chaclag na alas-7:00 ng umaga kahapon nang madiskubre ng iba pang inmate si Sanchez na hindi na gumagalaw sa loob ng kanyang selda kaya isinugod sa ospital ng NBP subalit idineklarang dead-on-arrival.
Gayunman, idaraan aniya sa proseso ng autopsy ang bangkay ni Sanchez para matukoy ang sanhi ng kamatayan nito at kung “foul play” sa insidente.
Lumalabas na may sakit umano si Sanchez ng chronic kidney, hypertension, asthma, prostate at paulit-ulit na gastroenteritis
Kamakalawa ng gabi ay nakita pang buhay ang dating kontrobersyal na mayor habang naghahandang matulog, ayon kay Chaclag.
Si Sanchez na nahatulan ng reclusion perpetua na may hanggang 40 taong pagkakakulong sa kasong rape at murder noong taoong 1993 sa mga biktimang sina Eileen Sarmenta, estudyante ng University of the Philippines-Los Banos at boyfriend nitong si Allan Gomez.
Noong 2019, magugunitang naudlot ang paglaya ni Sanchez nang lumikha ng kontrobersiya ang pagkakasali niya sa 10,000 bilanggo na mabebenepisyuhan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng pamahalaan na umani ng batikos mula sa pamilya ng mga biktima nito at netizens.
- Latest