20% discount sa food deliveries ‘di binibigay, seniors umalma
MANILA, Philippines — Umalma ang mga senior citizen dahil sa hindi umano pagbibigay ng 20 porsyentong diskuwento ng mga food delivery service providers.
Ayon kay House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, nakarating sa kanya ang mga reklamo ng mga senior citizens na wala silang 20% discount sa mga food delivery service.
“We are all aware that senior citizens face increased risk for developing more serious complications from COVID-19. Therefore, it is important that we ensure they are able to stay at home but still have access to important services and commodities,” pahayag ni Herrera.
Sinabi ni Herrera alinsunod sa Republic Act (RA) 9944 o ang Expanded Seniors Citizen Act of 2010, sinumang mamamayan na residente ng Pilipinas kung nasa 60-anyos na pataas ay makakakuha na ng 20 % discount at exempted sa Value Added Tax (VAT) sa mga goods at services.
Gayunman, walang nakukuhang discount na dapat maging benepisyo lalo ngayong may pandemya ang mga senior citizens kapag umoorder sa food delivery apps.
Sa tala ng Philippine Statistics, nasa 8.2 milyon mula sa kabuuang 109 milyong katao sa bansa ay nagkakaedad 60-pataas.
- Latest