Bagyong Quinta bahagyang lumakas
Papuntang West Philippine Sea…
MANILA, Philippines — Bahagyang lumakas ang bagyong Quinta habang kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa West Philippine Sea.
Nabatid na alas-4:00 ng hapon ay namataan ang sentro ng bagyong Quinta sa layong 310 kilometro ng kanluran ng Calapan City,Oriental Mindoro at patuloy ang pagkilos pakanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Taglay ni Quinta ang lakas ng hangin na umaabot sa 130 kilometro malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 160 kilometro bawat oras.
Kaya’t nakataas ang babala ng bagyo sa Signal number 1 sa Luzon sa Batangas, Occidental Mindoro kasama na ang Lubang Island, Oriental Mindoro, at Calamian Islands gayundin sa Visayas sa extreme northern portion ng Antique sa Caluya.
Si Quinta ay magdadala pa rin ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa buong Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, northern Palawan kasama na ang Calamian at Cuyo Islands, CALABARZON, Aurora, at Isabela.
Magdadala rin ng malakas na pag-ulan ang tail-end of a frontal system sa buong Cagayan, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Si Quinta at ang tail-end of a frontal system ang magdadala ng katamtaman na minsa’y malakas na pag-ulan sa buong Metro Manila, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, at nalalabing bahagi ng Luzon.
Ang bagyong Quinta ay patuloy ang pagkilos pakanluran hilagang kanluran papuntang western boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at inaasahang lalabas ngayong Martes.
- Latest