Mag-lover pinagtataga ng lasing
MANILA, Philippines — Patay ang isang 39-anyos na lalaki habang sugatan ang kanyang kinakasama matapos silang pagtatagain ng isang lasing sa Zone-4, Brgy. Tinangis, Pili, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din dahil sa mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Marcelo Basquiña Montañez, magsasaka habang sugatang isinugod sa Bicol Medical Center sa Naga City ang kinakasamang si Marilou Merciales, 42, pawang residente ng Zone-6 ng nasabing barangay.
Tinutugis na ng mga pulis ang tumakas na suspek na si Alex Paunat Isidro, 38.
Sa ulat, bago naganap ang insidente ay dumalaw ang mag-live-in partner sa bahay ng kapatid ni Montañez at pagsapit ng alas-9:30 ng gabi ay nagpaalam na uuwi na ang dalawa nang biglang dumating ang lasing na suspek na armado ng itak.
Sa hindi malamang dahilan, biglang pinagtataga ng suspek ang mga biktima kung saan napuruhan ng mga taga sa katawan si Montañez na agad nitong ikinasawi.
- Latest