3 PUI nagpositibo sa virus sa Bicol
MANILA, Philippines — Natakot at naalarma ang mga residente ng Bicol matapos magpositibo sa corona virus disease (COVID-19) ang tatlong persons under investigation ng rehiyon makaraang ilabas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang resulta ng swab test sa kanila kamakalawa.
Ang dalawa sa tatlo ay mula sa Albay na si DOH tracker PH-765 na lalaking 50-anyos mula sa bayan ng Bacacay at si tracker PH 766, isang 53-anyos na lalaking American national na nagbakasyon kasama ang kinakasamang Pilipina sa Legazpi City habang si tracker PH 763 ay isang babae mula sa bayan ng Milaor sa Camarines Sur.
Agad ni-lockdown at nag-disinfect ang lokal na pamahalaan ng kanilang bayan sa mga barangay kung saan nakatira ang mga nagpositibo sa corona virus at mahigpit na ipinagbawal ang paglabas at pagpasok ng sinuman habang pinalawak pa ang contact tracing sa lahat nang nakasalamuha ng tatlo. Binabantayan na ng mga awtoridad ang tatlo na nasa loob ng kani-kanilang bahay para masigurong walang makakalabas sa kanila.
Si Cong. Joey Salceda ng pangalawang distrito ay nakipag-ugnayan na sa US Embassy upang kausapin ang kanilang kababayan na pansamantalang nakatira ngayon sa Brgy.8, Legazpi City na patuloy na nagmamatigas na hindi umano siya ang tinutukoy na nagpositibo sa COVID-19.
- Latest