Hybrid automated sa 2022 elections ikinakasa
MANILA, Philippines — Upang maiwasan umano ang pagkuwestiyon sa integridad sa tuwing may halalan ay ikinakasa na ng Senate Committee on Electoral Reforms ang hybrid automated election para sa 2022 presidential elections.
Ayon kay Senator Imee Marcos, chairman ng Senate committee on Electoral Reforms sa ilalim ng nasabing system na sa mga presinto pa lamang ay kailangan na may katibayan ang isang botante o hawak niya ang listahan ng mga kandidato na kanyang binoto.
Maliban dito, dapat din umanong may tally sa presinto na makikita ng mga botante kung sino ang lumamang sa boto sa precinct level pa lamang bago ito mai-transmit sa city at municipal board canvassers.
Dahil dito kaya hindi na magiging mano-mano system ang pagbilang ng tally sa precinct level para hindi tumagal ng dalawa o tatlong araw ang resulta ng halalan.
Magiging computerized din umano ang bilangan sa precinct level kung saan mahalaga na makikita ng mga botante ang kanilang mga ibinoto kumpara sa ngayon na kapag pinasok na ang balota ay wala ng hawak na listahan ang botante ng kanilang mga ibinoto at wala na rin official tally board na magiging matibay na ebidensiya na nanalong kandidato sa kanilang lugar.
Idinagdag pa ni Marcos na magsasagawa rin sila ng testing sa hybrid automated election system para malaman kung gaano ito ka epektibo bago ipatupad sa nalalapit na halalan.
- Latest