Buy-bust: Chinese timbog sa P802-M shabu
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang 28-anyos na Chinese sa isang drug buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa Brgy. Sienna, Quezon City.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-NCR Regional Special Enforcement Team Leader Lorenzo Advincula Jr. ang suspek na si Zhang Yunquan, 38, alyas ‘Francis,’ na nanunuluyan sa Unit 21B, Tabayoc St., Brgy. Sienna.
Sa ulat, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maaresto ng mga otoridad ang suspek sa bahagi ng N.S. Amoranto St. at Tabayoc St., sa Brgy. Sienna ay nakuha ang nasa 2 kilo ng shabu.
Nang aarestuhin ay tumakbo ang suspek pabalik sa kaniyang bahay at nasamsam ang nasa 118 kilo ng shabu at tinatayang nagkakahalaga ng nasa P802 milyon mula sa kusina ng tahanan na nakasilid sa mga tea pack na may Chinese characters at ipinasok sa mga lata ng biskwit.
Imported rin umano ang mga shabu dahil ang mga lalagyan nito ay may tatak ng mga iba’t ibang bansa.
Nabatid na may isang buwan munang tiniktikan ang suspek bago isinagawa ang buy-bust operation na kung saan isang asset na bihasa sa pagsasalita ng Chinese ang nakipag-transaksiyon sa suspek kaya’t nakuha ang tiwala nito.
Batay sa record na si Yunquan ay pabalik-balik ng Pilipinas mula sa China at ang huling balik nito sa bansa batay na rin sa boarding pass nito mula sa isang airline company ay noong Setyembre 1.
Naisyuhan na rin ang suspek ng lehitimong driver’s license mula sa Land Transportation Office (LTO) noong 2017 at narekober mula sa kanya ang isang itim na Toyota Fortuner.
- Latest