Parak na galing xmas party itinumba
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang pulis makaraang tambangan ng apat na salarin habang sakay ng kanyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Ang biktima na namatay noon din ay nakilalang si P/MSg Napoleon Zamora, 45, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Unit ng National Capital Regional Police Office sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at nakatira sa Block 42, Lot 4, Southville 3, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Batay sa ulat, bago naganap ang insidente, alas-7:20 ng gabi sa kahabaan ng ML Quezon Street, Purok 1 Brgy. Bagumbayan ay sakay ang biktima ng kanyang Yamaha Nmax scooter at pauwi na ng kanyang bahay matapos na dumalo sa Christmas party sa kanyang unit sa kampo.
Ilang metro pa lang nakakalayo ang biktima mula sa kampo nang ito ay tambangan ng apat na suspek.
Nang matiyak na napatay ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa iba’t ibang direksyon. Bigo ang mga pulis na masakote ang apat na suspek.
- Latest