2 todas sa bagyong Quiel
MANILA, Philippines — Dalawang katao ang naiulat na nasawi sanhi ng malalakas na pag-ulan dulot ng bagyong Quiel na nagpalubog sa walong bayan sa lalawigan ng Cagayan.
Kinilala ni Office of Civil Defense (OCD) Region 2 Director Dante Balao ang mga nasawing sina Eljay Dallego, 10, nasawi sa pagkalunod sa Brgy Bagsac, Mapulapula, Claveria, Cagayan at Augusto Achagan, 36, namatay naman sa landslide sa Claveria, Cagayan.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng mga pagbaha ay ang mga bayan ng Allacapan, Pamplona, Sanchez Mira, Claveria, Sta Praxedes, Abulug, Ballesteros at Baggao.
Ang mga pagbaha ay sanhi ng tatlong araw na mga pag-ulan na dulot ng tropical depression Quiel at tail end of the cold front.
Nabatid na nasa 2,373 pamilya o katumbas na 8,185 katao mula sa 84 barangays sa mga nasabing bayan ang binaha kung saan ang mga ito ay inilikas sa mga evacuation center habang ang iba naman ay nakituloy sa kanilang mga pamilya sa mga ligtas na lugar.
- Latest