120 Chinese workers nagka-dengue
MANILA, Philippines — Nagkasakit ng dengue ang nasa 120 Chinese workers na nagtatrabaho sa isang coal plant sa Mariveles, Bataan.
Ayon kay Dr. Rosanna Buccahan, hepe ng Bataan Provincial Health Office na 120 kaso ng mga Chinese nationals na nagkaroon ng dengue simula noong Enero hanggang Agosto 15, 2019.
Sinabi ni Buccahan, buwan ng Mayo nang una nilang matanggap na may 96 Chinese workers ang nagkaroon ng dengue kaya’t agad silang umaksiyon.
“Nagkaroon kami ng 3 cycles ng fogging operation sa area. At the same time, tinuturuan natin sila kung paano maglinis ng kanilang accommodation. Pati yung kanilang mga CR...kung paano sila magkaroon ng better hygiene para hindi sila kagatin ng lamok,” sabi ni Buccahan.
Subalit, matapos ang dalawang buwan, naulit umano ito at nagkaroon ng 24 bagong kaso ng dengue ang naitala sa hanay ng mga Chinese workers.
Ang mga Chinese national ay pawang nagtatrabaho sa GN Power, pero wala naman aniyang mga Pilipinong manggagawa doon na naitalang nagka-dengue.
Nasa 989 ang kaso ng dengue na naitala sa buong lalawigan ng Bataan mula Enero hanggang Agosto 15, 2019 na mas mababa pa ng 21 porsyento kumpara noong nakaraang taon sa parehong panahon.
- Latest