Al Qaeda terrorist, tiklo
MANILA, Philippines — Isang Kenyan national na pinaniniwalaang miyembro ng international terror group Al Qaeda ang nadakip ng mga otoridad kahapon sa isang hotel sa Iba, Zambales.
Kinilala ang naarestong suspek na si Cholo Abdi Abdullah at nakumpiska sa kanyang inuupahang kuwarto ang improvised explosive device, bomb components, baril at granada.
Ayon kay PNP –Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Police Major Gen. Amador Corpus na si Abdullah ay nanumpa sa Al Qaeda international terrorist group noong 2012 na aktibong nago-operate sa silangang bahagi ng Africa.
Sa ulat, bago nasakote bandang alas -3:30 ng hapon ang suspek ng pinagsanib na elemento ng CIDG at tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa operasyon sa Room 24, Rasaca Hotel, Iba, Zambales ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa presenya ng dayuhang Al Qaeda terrorist sa bansa.
Nabatid na si Abdullah ay nag-aaral maging piloto sa All Asia Aviation Academy at nagsasagawa rin ng pananaliksik sa iba’t-ibang uri ng banta sa himpapawid kabilang ang aircraft hijacking at pamemeke ng mga travel documents.
Ang dayuhang suspect ay inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Emmanuel Silva ng Mariveles, Bataan Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Firearms and Ammunition Act) at RA 9516 (Unlawful manufacture sales, acquisition, disposition and importation of explosive or incendiary device).
Isinasailalim sa tactical interrogation ang suspek upang mabatid kung may pinaplano itong maghasik ng terorismo sa Pilipinas at kung may iba pa itong mga kasama.
- Latest