DILG naglabas ng show cause order vs 108 mayor
MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y kabiguan na magpasa ng solid waste management plans, isang show cause order ang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa 108 mayor.
Ang nasabing show cause orders ng DILG laban sa mga alkalde ay sa kabiguang maghanda at magpasa ng 10 year solid waste management plan kaugnay ng rehabilitasyon sa kanilang hurisdiksyon partikular na sa mga destinasyon ng mga turista sa bansa.
Ito’y bahagi nang mahigpit na pagpapatupad ng pamahalaan ng batas pangkalikasan na kasalukuyang inimplementa sa Manila Bay, Boracay at iba pang tourist spots .
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kailangang magbigay ng notaryadong paliwanag sa loob ng 10 araw mula sa pagkatanggap ng mga ito ng show cause orders at kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaparusahan sa kabiguang pagpapasa ng 10-Year Solid Waste Management Plan.
Sinabi naman ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya na karamihan sa mga pamahalaang lokal na makatatanggap ng show cause orders ay mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may kabuuang bilang na 78;Lima mula sa MIMAROPA; 8 mula sa Region V; isa sa Region VI; at apat bawat isa sa Region II, CALABARZON, VII, at VIII ang mapapadalhan din ng show cause orders.
- Latest