EDITORYAL - Hindi na dapat baguhin ang Pambansang Awit
MABUTI naman at si Sen. Tito Sotto na rin ang bumawi sa kanyang balak na pagbabago sa huling linya ng Pambansang Awit na Lupang Hinirang. Maraming bumatikos kay Sotto sa kanyang balak. Sabi umano ni Sotto makaraang bumaha ang puna, “kung ayaw n’yo, huwag n’yo!’’
Hindi naman talaga dapat baguhin ang kahit isang titik o linya ng Lupang Hinirang sapagkat tama na naman ito. Wala namang mali sa huling linya kaya walang dapat bagugin o alisin. Nakapagtataka na sa dami ng dapat pagkaabalahan sa ngayon ay ang nananahimik na Lupang Hinirang ang napagdiskitahan ng presidente ng Senado.
Habang maraming mamamayan ang namumroblema sa pagtaas ng bilihin, lalo ang bigas at sardinas, ang pagbabago sa Lupang Hinirang ang pinagkaabalahan ni Sotto.
Sabi ng Senate President noong Miyerkules, sa halip daw na “aming ligaya ng pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa’yo!’’ dapat ay “ang ipaglaban ang kalayaan mo!’’ Sabi pa ni Sotto, “Parang defeatist ‘yung last line sapagkat na imbis lumaban, mamatay… dapat laban, hindi patay!”
Wala namang mali sa salitang ‘‘mamatay nang dahil sa iyo’’ bagkus nagpapakita pa nga ito na matatapang ang Pilipino at handang mamatay maipaglaban lamang ang Inambayan. Hindi marahil naiintindihan nang ganap ng Senate President ang mensaheng ipinaabot ng huling linya. Dapat inanalisa muna niyang mabuti ang linya bago nagbalak na baguhin ito.
Ganunman, ibinasura na ng Senate President ang balak. Sana mas mga napapanahong balak o plano ang pagkaabalahan niya na makapag-aangat sa kabuhayan ng mga Pilipino. Kawawa naman ang mga nakararaming kababayan na sinagasaan ng inflation. Sana makaisip ng paraan ang Senado ng mga batas na makapagpapagaan sa buhay ng mamamayan.
- Latest