Anak ng dating aktor, 12 pa timbog sa droga
MANILA, Philippines — Labintatlong katao kabilang ang isang anak umano ng dating action star na si Jess Lapid Jr., ang naaresto sa magkahiwalay na drug buy bust operation sa Pasig City, San Juan City, Marikina City at Las Piñas City.
Sa Pasig City, dakong 11:15 ng gabi nang maaresto ang mga suspek na sina Jose Maria Lapid, alyas ‘Joey,’ 24, na umano ay anak ng dating action star na si Jess Lapid Jr., ng De Castro Metropolis 1, Intramuros Street, Barangay Sta. Lucia, Pasig City; Franklin Ramos, 25, ng Midtown Village, Cainta, Rizal; Zackaria Bansil, 21, ng Felix Subdivision, Cainta, Rizal at Xavier Allan Raymundo, 30, ng 16C Valiente Street sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City.
Nakumpiska sa sa mga suspek ang isang pakete na may lamang mga hinihinalang buto ng marijuana, dalawang plastic sachet ng marijuana leaves, at tatlong bundle ng pinatuyong dahon ng marijuana, na tinatayang aabot sa dalawang kilo ang timbang at may street value na P80,000, gayundin ang P2,000 marked money na ginamit sa operasyon.
Sa San Juan, naaresto dakong alas-7:30 ng gabi nang maaresto sina Erwin Maisa Manalo, 35 at Cenon Javier Buzon, 52 sa isang buy-bust operation sa Rivera Street, Barangay Progreso at nakumpiska ang dalawang plastic sachet ng shabu at P300 buy-bust money.
Dakong alas-9:20 ng gabi nang madakip ng Marikina City Police ang mga drug suspects na sina Richard Buenaventura, 34, at Mark Anthony Adamrero, 27, sa isinagawang buy bust operation sa 209 Rimview, Lot 8, Block 2, Golden Valley Aveneu, Barangay Malanday, Marikina City at nakumpiska ang 10 pakete ng shabu at P500 marked money.
Umaabot naman sa 1 kilong marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P100,000 ang nakumpiska sa naarestong sina Justine Pialago, 19; Christian Villanueva, 19, kapwa estudyante; Jansen Tenz Santillan, 25; Miguel Erickson Vibora, 19; Gene Joyosa, 24, pawang mga taga Brgy. Manuyo 2 ng Las Piñas City.
- Latest