Road rage: Trader dedo sa pulis
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang negosyanteng lalaki habang sugatan ang kanyang kasamahan nang barilin sila ng isang bagitong pulis na kanilang nakaalitan sa trapiko kamakalawa ng gabi sa Barangay Marikina Heights, Marikina City.
Agad na iniutos P/Chief Supt. Reynaldo Biay, director ng Eastern Police District (EPD) ang pag-aresto at pagsibak sa puwesto sa suspek na si PO1 Edgardo G. Villamil Jr., 24, nakatalaga sa Police Community Precinct 5 (PCP 5), ng Pasig City Police Station, at residente ng 61 Tanguile Street, Barangay Marikina Heights.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-8:45 ng gabi sa Tanguile St., kanto ng Apiotng St., ng nasabing barangay ay minamaneho ng biktima na si Esteban Bunga, 35, negosyante, residente ng La Milagrosa Compound, Barangay Marikina Heights ang isang kulay abong Toyota Avanza may plakang YQ-4877 sakay ang walong kaanak at pauwi sana ng kanilang probinsya.
Pagsapit sa Tanguile Street ay bigla na lang pinalo ng pulis na sakay ng bisikleta, ang side mirror ng kanilang sasakyan at saka pinagmumura si Bunga.
Bumaba si Bunga ng sasakyan at kinumpronta ang suspek sa ginawa nito nang bigla na lamang pinaputukan ng pulis ang una at dalawang kasama kaya’t napilitang bumaba ang mga kasamahan ng biktima upang umawat.
Umuwi ng bahay si PO1 Villamil at nang bumalik ay armado na ng baril at kaagad na pinaputukan ang mga biktima na kung saan tinamaan si Bunga at Arnold Eayam, 24.
Si Bunga ay nagtamo ng pitong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ikinasawi nito, habang nagtamo naman ng dalawang tama ng bala sa bukung-bukong si Eayam.
Kusang-loob sumuko si PO1 Villamil sa Marikina City Police-PCP-9, dakong alas-11:00 ng gabi kamakalawa at isinurender ang kanyang .9mm na service firearm na hinihinalang ginamit niya sa krimen.
- Latest